BALAGTASAN

(Isa ito sa mga ginawa ng mga estudiante sa High School ng Candon City ng ipinagdiwang ang Buwan Ng Wika noong Agosto 2008.  Isa ako sa mga naging hurado sa Balagtasan at TV Broadcasting. At ito ang naging paksa nila.)

 

Bilang isang mamamahag, DAPAT ba o HINDI DAPAT na isiwalat mo ang buong katotohanan kahit manganib ang iyong buhay?

 

LAKANDIWA

Ang alin mang selebrasyon ng taunang kaarawan

Ng programa nap am-Pinoy sa DZTP

Ay di ganap kapag wala ang aba pong balagtasan

Kaya heto na po kami, malugod na nagpupugay!

 

Pastor Gagarin po lamang ang lingcod niyong Lakandiwa

Sa bayan po ng kalamay sa lungsod ng Candon nagmula

Kahit ako’y bago ritong di katulad nilang luma

Meron din po naman akong ibubuga sa pagtula.

 

Ang paksa po ngayong araw ay tungkol sa pamamahayag

Kung isa kang dyornalista, sa balita’y tagakalap

Lahat ng katotohana’y dapat mo bang isawalat

Kahit ito’y mapanganib, may peligrong  kaakibat?

 

Atin na pong  tatawagin sa gitna ng entablado

Ang dalawang magigiting na makatang magtatalo

Parehas pong magagaling, at parehong mukhang tao

Ang atin pong isalubong, palakpakang todong-todo!

 

DAPAT

Isang mapagpalang araw, sa lahat po ang pagbati

Sa ‘pag-usapan natin’ program, Happy 8th anniversary

Sa mestisang paraluman na akin pong katunggali

May pagkakataon ka pang umatras na at umuwi.

 

Ang pamamahayag ay propesyong sinumpaan

Dito’y dapat isiwalat, lahat ng katotohanan

Iyon po ay ang panig kong bibigyan ng katuwiran

Gonie Mejia is the name ng lingcod niyong nagpupugay.

 

HINDI DAPAT

Kay aga pong nababahag ang buntot ng katunggali

Wala pa akong sinasabi, ibig na kong mapauwi

Kung ayaw mong mapa-confine sa ospital ngayong araw

Ayun ang gate, wag hintaying buto’y magkabali-bali.

 

Si Julieta Asenita po ang black beauty ninyong lingcod

Isang maligayang araw ang pagbati kong malugod

Hindi dapat isiwalat, ang panig pong ilalahok

Lahat ng katotohanan, lalo’t panganib ang dulot

 

LAKANDIWA

Lintik po kug maggirian ang dalawang nagsasabong

Tingnan natin kung sino nga ang merong ‘K’ na magkampeon

Sisimulan na po nating pausukin ang microphone

Si Gonie ang unang tindig, palakpak po’y isalubong!

 

DAPAT

Ang propesyong journalism, o dili’y pamamahayag

Ay maipagkakapuring hanapbuhay na marilag

Dito’y pangunahing tungkulin, sa lipuna’y isiwalat

Ang lahat po ng totoong sa bansa ay nagaganap.

 

Walang dapat na ilihim, walang dapat itago

Tamaan ang tatamaan, walang dapat sinisino

Higit ang katiwaliang nagaganap sa gobierno

Lalo’t sangkot ay iyong mga lintang pulitiko.

 

Wika nga po, napipigil ng iba ang kalokohan

Pagkat takot na mabunyag sa radio at pahayagan

Ito’y dahil sa ating mga journalist na matatapang

Walang gulat, walang kabang gumanap ng katungkulan

 

LAKANDIWA

Sa suntok at saka sipa ng makatang nagpauna

Ang sagot ng katunggali naman niya’y ano kaya?

Upang atin pong malaman, tawagin po natin siya

Hayan na po, palakpakan si Miss Juliet Asenita.

 

HINDI DAPAT

Ang marangal na layunin ay di laging nagbubunga

Ng mabuti sa lipunan, kung minsa ngay di maganda

Ang kriminal, pag nadyaryo’t gumawa ng pelikula

Banding huli’y bayani pa, pati bata, gumagaya.

 

Kung ako’y mamamahayag, di po ibig sabihin na

Ang lahat kong naririnig, naaamoy, nakikita

Ay akin ngang katungkulang ibalita ko sa masa

Kapag ito ay nangyari, ang labas ko ay tsismosa.

 

Ang tsismis ay isang mitsa ng maraming sigalutan

Ang balitang naglalantad ng lahat ng kabulukan

Ay gayun din, naghahatid ng panganib, agam-agam

Lalo na’t kung isang pikon ang tao mong natapakan.

 

LAKANDIWA

Mainit na ang dalawa, kaya ako ay tatabi

Dumakdak na sila hangga’t  meron silang masabi

Kayo naming madlang people na narito ngayong araw

Gamitin ang inyong kamay nang ganahan lalo kami.

 

DAPAT

Si Julieta’y di tsismosa, mahina lang umintindi

Kapag sinabi mong tsismis ay di tunay na nangyari

Ang paksa po namin dito, kung dapat ba o hindi

Ang totoo ay ibulgar, ang tsismis ay di kasali.

 

Anong silbi ng propesyon kung iyo ding itatakwil

Tunay itong nilalayon, sakop na alituntunin

Kaysa iya’y mapangyari ay mainam pa marahil

Magtulak ka ng kariton, maglako na lang ng asin.

 

Batid natin magkaminsan, ang hustisya’y nabibili

Ng taong may impluwensia, sa buhay may sinasabi

Dahil nandiyan ang media, sa katotohana’y kampi

Tuwiran pong nagaganap, katarunga’y nagwawagi.

 

HINDI DAPAT

Ako ngayo’y magtatanong sa katalong kulay talong

Alin bang mas pipiliin: ang magamit ang propesyon

Habang ikaw’y nabubuhay nang mahaba pang panahon?

O ang ika’y magretiro nang maaga sa’yong panteon?

 

Halimbawang ang kasangkot sa malaking iskandalo

Ay sariling ama’t inang nakaupo sa gobierno?

Ang lihim na baho nila ay iyo bang idyadyaryo?

Malasakit ba sa bayan, mas matimbang sa’yong dugo?

 

DAPAT

Simple po ang katanungan ng mestisang naulingan

Kahit anong propesyon mo, pag-iingat ang kailangan

Kung ang aking ama’t ina ang dawit sa kalaswaan

Di man akong magbubunyag, tiyak iba ang gagampanan.

 

Kung higante ang kalaban, panganib sa pamilya

Kailangan ay proteksiyong magmumula sa gobyerno

Kung hindi ko ibubulgar ang sinabing sindikato

Mas marami pa  pong buhay ang dito’y mapeperhuwesyo.

 

Kung di kaya ni Julietang isipin ang tamang bagay

Bilang isang mamamahag, hiling ko po siya’y mag-resign

At sa lahat ng journalist, kapatid sa hanapbuhay

Paalala ko’y ‘Hoy Gising!’ Limutin ang karuwagan.

 

HINDI DAPAT

Ang tanong ko’y diretsahan, sagot niya’y biglang liko

Maliwanag po ang isyu kanyang nilalabo

Katapangan pala niya’y hungkag na pangako

Bahag din po pala ang buntot, nangangatog pati nguso!

 

Heto pa ang isang tanong: Halimbawang mismong ikaw

Ang kinidnap ng NPA, ibabaon ka nang buhay

Maliban kung susulat ka’t aamin sa buong bayan

Na un among nilathala’y pawang kasinungalingan.

 

Halimbawa pa rin naman, pakinggan mo, Oh, Gorgonying

Mga anak mo’y musmos pa, asawa mo’y kagampan din

Tanging sa iyo umaasang parang mga basing sisiw

Sa pamilya’t propesyon mo, alin ang uunahin?

 

DAPAT

Makulit po palang sadya ang ulikbang paraluman

Ako pa raw anya itong lumiliko sa usapan

Itataya ko ang lahat maging sarili kong buhay

Ngunit hindiu ang magtaksil sa propesyon ko at bayan.

 

Tapat ako sa tungkulin pagkat aking sinumpaan

Si Julieta’y sinungaling, propresyo’y paglalakuan

Nakahanda kong suungin ang lahat kong kasawian

Ayaw ko lang maging “tangi” kagaya po ni Bakekang.

 

HINDI DAPAT

Itatayao po ang lahat alang-alang sa propesyon

Yayaman po ang may-ari ng radio at telebisyon

Gayon din ang negosyanteng may-ari ng publikasyon

Samantalang nagluluksa ang pamilya ni Gorgonyong.

 

Kung talagang matapang ka’t marubdob ang pagnanais

Na sagipin itong bayan sa kamay ng mga ganid

Ba’t propesyong pinasok mo’y dyornalista’t hindi pulis?

Para kung mayron kang alam, ikaw mismo ang dadakip.

 

DAPAT

Malala na palang sadya ang utak po ni Julieta

Pati gawain ng iba, sa akin pinaasa

At kung ikaw ay matinong tagatanggap ng balita

Ang balitang hindi tama, higit mo bang ikakatuwa?

 

HINDI DAPAT

Baka naman ibig mo lang magpasikat, magpakilala

Ng maraming masusugid na publikong mambabasa?

May pasumpa-sumpa ka pa sa propesyon, iyon pala

Ikaw itong sinungaling, taksil, traydor, palamara.

 

DAPAT

Tungkulin ang nag-uudyok ako’y tumalima

Ako ay hindi pasikat, ayaw ko lang magpabaya

Ang taong mapagparatang, may sanga daw yaong dila

Mag-ingat ka’t baka ika’y i-front page ko sa balita

 

HINDI DAPAT

Nadupilas po ang dila ng katalong propesyonal

Propesyonal na blackmailer, ginagawang kasangkapan

Ang kaniyang hanapbuhay upang kapwa’y mahuthutan

Na kung hindi maglalagay, may peligrong mapa-headline

 

DAPAT

Kawawa ang kalaban kong di batid ang sinasabi

Nangingitim na sa galit, hindi na po mapakali.

 

HINDI DAPAT

May totoong magaganda’t kapupulutan ng aral

Ba’t di yan ang ibalita, wala ka pang masasaktan!

 

DAPAT

Ang totoo’y ihahayag ano pa man ang mangyari!

 

HINDI DAPAT

Sa totoo’y hindi dapat manira ng ibang puri!

 

DAPAT

Tapat akong magsilbi!

 

HINDI DAPAT

May tapat bang nabibili?

 

LAKANDIWA

Tigil! Para! Kayo muna’y tumabi at magpahinga

Ang hatol ko’y isusulit, ako naman ang poporma

Ang akin pong hiling lamang sa balanang nakanganga

Palakpakan muli natin si Gorgonio’t Julieta!

 

Matitindi ang katwiran, bawat isa’y naglalayon

Na linawin itong paksa, tugunin ang bawat tanong

Ngunit akong tagasuri ang pataw na obligasyon

Hanggang ngayo’y nangangapa sa dapat na maging hatol.

 

Kung akin pong pipilting lutasin ang paksa ngayon

Baka ako’y mangayayat sa labis na konsumisyon

Importante’y meron tayong napulot na bagong leksion

Kayo na po, kababayan, ang humusga’t humatol.

2 thoughts on “BALAGTASAN

  1. ANNNNNNNNNNNNGGGGGGGGGGGG HHHHHHHHHHHHHHHHHAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAABBBBBBBBBBBBBBBBBBBAAAAAAAAAAAAAAAAAAAA!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s