Apong Ilyan: Kutsero Sa Bagong Panahon

The horse drawn calash line up along the St. Paul Cathedral in Vigan City.

The horse drawn calash line up along the St. Paul Cathedral in Vigan City.

NOONG bata pa ako, madalas ko nang nakikita ko na si Apong Ilyan sa kaniyang pagkakalesa.  Ang Vigan noon ay isang bayan pa lamang.   Matiyaga siyang naghihintay ng sasakay sa sangang-daan ng barangay Simbaan-a-Bassit tsaka inihahatid sa makipot na eskinita ng Mena Crisologo.

Ako noo’y  anim na taong gulang pa lamang.  Ngunit sa mura kong isipa’y nakatatak na ang mga kalesang naghahabulan sa Vigan.  Sa bawat araw na nagdaraan, parang hindi Vigan ang aming lugar kung walang naririnig na yabag ng mga kabayo sa kalsada.

Marami pa sila noon… mag-isa na lang siya ngayon.

            Wala ring asawa’t anak si Apong Ilyan.  Si Kalakian lang ang tanging kasama niya sa isang bahay na yari sa ilang hollow blocks at yerong bubong.  Nakatayo ito sa liblib na sitio ng barangay Simbaan-a-bassit.  Kung bakit hindi siya nag-asawa—‘yon ang kaniyang lihim.  Sa pakiwari ko’y ang kanyang kapansanan sa paa ang dahilan, siya ay isang pilay.

Malayo ko na siyang kamag-anak.  Ngunit nasanay na akong tawagin siyang ‘Apong’, dahil parang lolo ko na siya.  Matalik kasi siyang kaibigan ng namayapa kong lolo na si Apong Andong. Lagi nila akong isinasama kapag mangunguha sila ng damo tulad ng tabtabukol at galut-galot sa bukid para ipakain kay Kalakian.  Natantandaan ko pa ang mga panahong iyon.

Noong buhay pa si Apong Andong ay madalas niyang ikuwento sa akin ang tungkol sa magandang pagkakaibigan nila ni Apong Ilyan.  Mula sa pag-aaral nila ng kartilya, katisismo, at kartikular.  Ang paghahabulan nila sa ulan, paglangoy sa batis, ang pangunguha nila ng mga kuhol at ang kanilang sabay na pagtunghay sa mga bingwit kung may nahuling isda.

Hindi rin niyaa nakaligtaang ikinuwento sa akin ang matinding hirap sa pagtatago nila noong naganap ang ikalawang digmaang pandaigdig.  Kung paano sila nagtago sa kabundukan ng Bantay, Ilocos Sur.  Noon ay kumukuha sila ng kamote at buga para lang may pagkain sila. Naranasan din nilang inumin ang sariling ihi dahil wala silang mapagkunan ng tubig.  Ginawa nila ang lahat ng mga iyon para lang mabuhay.  Kailangan nilang magtago dahil kung hindi ay babarilin sila ng mga kawal na Hapones.

Sa kuwento pa ni Apong Andong, nalaman ko na siya daw ang nagturo kay Apong Ilyan kung paano sumakay sa kabayo;  ang pag-angkas, wastong paghawak ng tali, magpatakbo nito, at higit sa lahat ang magpasada nga kalesa.  Magkasama sila.  Hati sila sa kinikita.  Ang pamasahe noon ay tatlumpong sentimo.

Ang kamino real noon ay lubaklubak pa lamang.

Naramdaman ko ang pagdalamhati sa puso ni Apong Ilyan nang namatay si Apong Andong.  Naramdam ko dahil ako ang saksing buhay sa kanilang sa turingang higit pa sa magkapatid.  Naramdaman kasi ni Apong Ilyan na hindi siya iba sa lolo ko noon dahil sa kabila ng kanyang diperensya sa paglakad ay itinuring pa rin siya nitong matalik na kaibigan.

Ang kabayong gamit niya ngayon  ay ang patunay at tanda sa matagal at malalim nilang pagsasamahan.  Si Kalakian.

Sa paglipas ng mga araw, lumiliit rin ang bilang ng mga kutsero sa Vigan, lalo na nang naging siudad ito. Kung noo’y halos nagbabanggaan sa kalsada ang mga kalesa, ngayon ay nabibilang na lamang sa kamay ang mga ito.  Ang ilan sa kanila ay unti-unting tumigil dahil sa pagkutya.   Sila Tata Kardo at Tata Isong, hindi na nila sinayang ang pagkakataong manirahan sa Hawaii nang dumating ang kanilang petisyon; si Tata Kulas ay nakabili ng taxi;  si Apong Isis, ay tumigil na rin dahil sa pangungutya ng mga kabataan.

Hanggang sa isa na lang ang natitirang nagkakalesa… Si Apong Ilyan.

Ngunit kung kailan namang siya na lang ang natitira sa mga nagkakalesa, siya namang walang nang sumasakay.  Pag nakikita ko siya, mas maraming panahong wala siyang sakay.  Maganda na na sa buong maghapon ay makasampu siya ng sakay.

Ang ipinagtataka ko lang, kahit na ganoon, hindi ko siya nakitang malungkot kahit mag-isa lang siyang kakalog-kalog sa kalesa niya.  Lagi siyang nakangiti, na kung minsan a nakapikit pa.  At habang nakapikit, sumisipol siya ng isang malambing na himig.

(i)

            Ho! Ho!

Dahan-dahang hinila ni Apong Ilyan ang dalawang taling abaka na kasinglaki ng hinlalaki ng paa na nakakabit sa bibig ni Kalakian.  Dahan-dahan namang tumigil ang kabayo hanggang natapat sa akin.

Umangkas ako sa kalesa, dalawang hakbang ang pinakahagdan ng kalesa para makapasok sa loob.  Dahan-dahan para ‘di ako madulas.  Nang makapuwesto ako sa kahoy na upuan, kusa ng tumakbo si Kalakian.  Parang alam na niya kung kelan dapat tumakbo.

Para akong idinuduyan sa kalesa habang tumatakbo ti Kalakian.  May naririnig akong langitngit mula sa malaking gulong na yari sa kahoy at tanso.  Para kaming mabubuwal kung napapadaan kami sa malalim na parte ng kalsada.  Naramdaman ko ang konting kaba sa aking dibdib, baka nga naman matanggal ang isang gulong at tumilapon kami sa kalsada.  Ewan ko ba, hindi na ako nasanay sa kalesa ni Apong Ilyan, eh, ni minsan, hindi pa naman kami naaksidente.

Kasabayan ko ngayon sa kalesa ni Apong Ilyan si Caring na taga-San Pedro.  Suki siya ni Apong Ilyan, meron kasi siyang sari-sari store sa sentro ng barangay nila kayat madalas itong mag-arkila. Mas marami daw itong kayang kargahin kesa sa traysikel.

“Ngayon lang yata kita nakasabay, Madam Reporter.  Buti naman at sumasakay ka parin dito sa Concorde ni ‘bagis Ely’,”  sambit niya.  Taas-baba ang tabakong subo niya. .

“Gusto ko kasi uling maranasan ang duyan niya, Nana.”

“Mabuti naman kung ganon, ‘yun kasing mga teenager ngayon.  “Yung mga katulad mo, hindi na nga sila sumasakay, kinukutya pa nila.  Ayos na sanang hindi sila sumakay, ang kaso, tinatawanan pa nila.  Hmp!”

May katotohanan ang sinabi ni Nana Caring.  Kahit nga ako, kung minsan, parang ako ang nasasaktan sa maaanghang na salita na pinapatungkol nila kay Apong Ilyan at sa mga sumasakay sa kalesa niya.  Alam ko, kahit laging nakangiti ang matanda, nasasaktan pa rin ito.  Bilib nga ako sa malawak niyang pang-unawa sa mga kabataan, dahil tulad ng sinabi niya:  “Hindi naman nakapagtataka eh, nasa bagong milenyo na tayo at bagong teknolohiya.  Ang mga sasakyan ay lumilipad na.  Ano nga ba ang ginagawa ng isang kalesa sa siudad?  Parang usang naligaw sa urbanidad.”  Ang wika niya,  saka tumawa sa tipikal niyang reaksion na:  “He-he-he!”

.

ISANG larawan ng kahirapan ng buhay ang nakita ko sa tahanang nasa harapan ko.  Nakatayo ako sa harapan ng isang bahay na hindi pa napalitadahan at napinturahan.  Ang bubong na yero ay halos kainin na ng kalawang.  Binubukbok na rin ang kahoy.

Ito ang tahanan ni Apong Ilyan.

“Tabi-tabi po.”  Bulong ko, sabay hawak sa aking tainga.

Sa harapan ng bahay ay may isang matandang puno ng duhat.  Sa likuran nito ay may isang  kamalig na naipatayo na pahingahan at kainan ni Kalakian.  Nagkalat ang dumi ng kabayo.  Mabaho ang amoy, tanda na hindi masyadong nalilisnisan ang paligid.

“Apong Ilyan!!!”  Sigaw ako.

Naghintay ako ng sagot.  Limang segundo, wala akong narinig.  Kahit man lang alingasngas sa loob ng bahay.

“APONG ILYAN!”  Sigaw ko ulit.

Wala talagang tao.

Nang matiyak kong wala  talaga siya, nasabi ko sa sarili ko na babalik na lang ako.  Ngunit sa aking pagtalikod, nakita ko siyang parating na dala-dala ang kaniyang buslo na puno ng damo.  Ako ang nahihirapan habang tinitingnan ko siya sa kaniyang paglakad, parang ang hirap—lalo na sa tulad niyang matanda na at pilay pa.  Ang kaniyang kamiseta ay basing-basa sa pawis.

“And’yan ka pala, Cherry.”  Sabi niya.

“Buti naman ho at kaya niyo pa ‘yan.”   Ani ko saka turo sa buslo. Gusto ko sanang isunod na:  “…pilay pa ho kayo.”  Ngunit pinigilan ko ang bibig ko, baka mainsulto.

Dumiretso siya sa kamalig, napangiwi soya habang ibinababa ang buslo.  Umupo na lang muna ako sa isang malaking baton a nasa ilalim ng punong duhat.  Ang aking bag na pinaglagyanko ng digital recorder, cellphone at iba pa ay inilagay ko sa aking tabi.

Lumapit sa akin si Apong Ilyan.  Naliligo na sa pawis ang kaniyang mukha.  Naaamoy ko na rin ang asim ng kaniyang pawis mula sa katawan.

“Ang hirap kasing maghanap ng damo ngayon, buti nga meron pa akong pinagkukunan, sa may dulo ng ilog, medyo malayo nga lang.  Pero ayos lang, kesa naman laging darak lang ang kinakain ni Kalakian, eh nangangayayat pa naman.  Matanda na kasi.  Tsaka, ang hirap maghanap ng kabayo ngayon.    Gusto ko na ring mag-retiro siya para mapagpahinga.  Pero wala ako makitang kapalit niya.  Du’n daw sa Cagayan, marami daw do’n.  Ang layo naman.  Tsaka, wala akong pambili.  He-he-he!”

“Hindi ka ba nahihirapan, Apong?”  Tanong ko.

“Kailangan kasi.  Mahirap namang umupo na lang ako sa isang tabi  at abahin ang aking kalagayan habang hinihintay ang aking kamatayan!”  Lumabas ang kaniyang mga ngipin na kulang-kulang na sa bilang at maitim na rin.  “Oh, anong maipagsisilbi ko sa isang magaling na radio reporter?”  Lumapit at ginulo ang aking medio kulot na buhok.  Nang tingnan ko ang kaniyang kamay ay marumi pa.

“Kasi, Apong, may radio program kami sa DZTP Radio Tirad Pass.  ‘Yong parang documentary… pero parang nagbibigay parangal sa mga nagdaang kultura na ipinagmamalaki sa kasalukuyang panahon.  Gusto sana kitang ma-interview.”

Humagikgik.  Nababanaag  kong gusto niya.

“Naku… he he!”  Yumuko tapos tumingala uli.  “Nakakahiya ‘ata!”  At parang batang yumuko uli.

Lihim akong natuwa, akala ko kasi’y hindi niya gusto.  Inilabas ko ang recorder ko, pinindut ko ang button nito at inilagay ko sa pagitan namin.

“Ang buhay mo, Apong, naiiba.  Ikaw na lang ang nagkakalesa dito sa Ilocandia, at siguro sa buong Filipinas.  Nag-iisang ikaw na sabi ng mga matatanda,” biro ko sa kanya para makuha ko ang loob niya.

“Ehem, ehem!”  Narinig kong paglinis niya sa kaniyang lalamunan.

“Ano kaya ang layunin ng nag-iisang kutsero nagngangalan ng Julian Gabaon dahil matiyaga ito sa pamamasada.  Sabi na nga nila na mistula kayong isang usa mula sa kabundukan na raw na naligaw dito sa siyudad?”

Tiningnan ko siya, nais kong makita ang kaniyang reaksyon mula sa mga mata niya: nasaktan kaya  o tanggap niya?  Ngunit ang nakita ko ay mga kulubot sa kaniyang noo.  Ang mga mata niya ay malamlam na.  Matanda na si Apong Ilyan pero heto pa rin siya nakikipagsapalaran sa buhay.

“Alam mo, anak, wala naman akong ibang hanap-buhay.  Magsasaka sana ako ngunit hindi ko naman kaya, tsaka wala naman akong lupain kahit maliit lang sana.  Itong kinatatayuan lang ng bahay ko ang pag-aari ko.  Magtratrabaho sana sa opisina pero wala namang tumatatanggap sa ‘kin dahil sa kalagayan kong ‘to.  Kalesa na lang hanggang mamatay ako!”

Sa narinig ko ay parang may kumurot sa puso ko.  Tiningnan ko ang mukha niya, naramdaman ko ang kalagayan niya.

“Naliligaw daw kayo sa panahon?”

“Totoo.  Pero tandaan sana nila na dito tayo nagsimula.  Nakakalungkot nga na minamaliit nila ang pinanggalingan natin.  Ang mga kabataan, hindi nila alam ang kahalagahan nito noong unang panahon.”

“Kelan po kayo titigil sa pagkakalesa?”

“Hanggang kaya ko… at kaya pa ni Kalakian.”  Tinitigan niya ang kanyang kabayo, na nakatali sa kamalig:  “’Lam mo, may pilay siya, kaya siguro matamlay.  Matanda na kasi.  Kung hindi ako nagkakamali kasing edad mo siguro iyan.”

“Hindi ka ba nahihiya?”

Tiningnan niya ako:  “Bakit ako mahihiya?”  Lumukot ang makulubot niyang noo.  “Isang malinis na trabaho ang pagkakalesa, trabaho na ipinamana pa ng mga ninuno natin.”

“Nagkaroon na po ba kayo ng problema sa iyong pagkakalesa?”

“Bihira na ang sumasakay,”  salo niya sa tanong ko.  “Nahihiya na ang mga kabataan na sumakay…tinatawanan pa nila.  ‘Buti na lang may mga paisa-isa pang mga matatandang kagaya ko ang sumasakay.”

“Eh bakit po pinagtitiyagaan niyo pa rin ang pagkakalesa?  Mayro’n po bang mas malalim na dahilan?”

Pumikit saglit tapos ngumiti sa akin.  “Puwede bang lihim ko na lang muna ‘yong dahilan ko, anak?”

Ngumiti ako at tumango.  Gusto kong igalang ang anomang nais niya.

NGUNIT isang araw, ako’y nagtaka habang ako’y naghihintay ng sasakyan sa tabi ng kalsada.  Ilang araw na bang hindi ko nakikitang nagkakalesa si Apong Ilyan?  Tatlong araw na kung hindi ako nagkakamali.

Nang dumaan ang isang taxi, sumakay ako.  Ngunit hindi sa station ako nagtungo, nagpahatid ako sa bahay nila.  Gusto ko lang malaman kung bakit hindi na siya nagkakalesa.  Baka naman may sakit, o may nangyari sa kaniya.

Pagdating ko sa kanilang bahay, unang tumambad sa akin ang maluha-luhang matanda na parang hindi mapakali.

“Bakit ho?”  Tanong ko.

“Si Kalakian, kasi!”  At tumalikod  patungo sa likuran ng bahay.  Tinungo ang kamalig na tahanan ni Kalakian.

Sinundan ko siya dahil nakikita kong nagugulumihanan siya.  Huminto siya sa harapan ng kaniyang kabayo.  At ako’y nagulat.  Nakahiga si Kalakian.  Nanghihina… naghihingalo na yata!

“Hindi ko na alam kung anong gagawin ko.  No’ng nakaraan lang ang lakas-lakas pa niya, tapos kinabukasan, nakahiga na.  Kahapon, pinakain ko, kumakain pa naman.  Pero ang taas ng lagnat.  Kaninang umaga, ayaw na niyang kumain.  ‘Di na makatayo!”

Sa pagkakataong ito, wala akong makapang sabihin sa kaniya.  Naaawa ako, lalo na’t panay ang haplos nito sa ulo ng pinakamamahal na kabayo.  Halos nakapikit na ang kabayo at nahihirapan na ring huminga.  Parang ang haplos na lang ni Apong Ilyan ang nagpapalakas sa kaniya.  Parang ayaw niya itong iwanan.

“Iiwan mo na ba ako, Kalakian.  Huwag naman ngayon, kailangan pa kita.  Hindi ko pa kayang mamuhay ng wala ka.  Paano na lang ako kung iiwan mo na ako.  Kaya, tumayo ka na.  Sige!” sabay haplos sa mukha ng kabayo.

Nakita ko ang pagtulo ng kaniyang mga luha, na sa una’y tahimik lang na dumadaan sa kaniyang pisngi.  Maya-maya ay humihikbi na siya, hanggang sa tuloyan na siyang pumalahaw ng iyak.  Yumuyugyog ang kaniyang balikat, at sa kalauna’y lumuhod at tuloyan nang yinakap ang pinakamamahal na kaibigan.

Gusto ko ring yakapin si Apong Ilyan.  Aluin at sabihing hayaan na lang niyang magpahinga si Kalakian.  Ngunit ako rin ang nagpayo sa sarili ko: may karapatan ba ako na pigilan ang nararamdaman niya?  Alam ko ba ang kasalukuyang nararamdaman ngayon ni Apong Ilyan?  Maaring oo, pero sapat na ba ‘yon?

Hinawakan ko ang balikat ni Apong Ilyan.  Tiningnan ako… ang kaniyang mga mata, napakalungkot.  Naaninag ko iyon.  Nararamdaman ko.  Lumuhod na rin ako.  Tumabi sa kaniya, at hinaplos-haplos si Kalakian.

 

NANG araw na iyon, namatay si Kalakian.  At nasaksihan ko ang isang larawan ng isang tao na nagmamahal sa kaniyang pinakamatalik na kapuso at kapamilya na pumanaw sa kaniyang piling.  Nakita ko ang isang napakalungkot na larawan.  Ang pag-iyak at pagdalamhati ng isang lalaki.

Tulad ng sinaunang paraan, na ang minamahal ay sa bakuran inihihimlay—gano’n ang ginawa ni Apong Ilyan kay Kalakian.  At nando’n ako, hindi ko iniwan ang pangyayaring iyon.  Tinangisan ko rin ang larawang iyon.

Maraming katanungan ang naiwan sa akin, ngunit ayaw kong sagutin.  Minamasdan ko na lang ang mga pangyayari, hinahayaang tulad nang paghaya ng araw na nagpupumilit na palitan ang kahapon.

Hindi na nagsalita pa si Apong Ilyan ng araw na iyon.  Buhat sa paghukay sa lupa, hanggang sa paglibing ni kay Kalakian.  Hindi ko siya tinulongan, hindi dahil sa ayaw ko.  Kundi dahil alam kong iyon ang gusto niya.  Dahil iyon ang huling pagpupugay niya sa nag-iisang nagmamahal at minamahal niya sa ibabaw ng lupa.

 

BILANG isang reporter, gumawa ako ng isang napakagandang documentary sa buhay ni Apong Ilyan.  Ipinakita ko sa buong estado, at sa buong Filipinas kung paano ang isang matanda na nag-iisang namumuhay ay nagpipilit na makita sa makabagong panahon.

Tuloy-tuloy ko itong binigyan nang kulay hanggang sa naging bukambibig siya ng bawat tahanan.  Ipinakita ko ang abang pamumuhay niya hanggang sa pagiging mag-isang binubuhay ang pagkakalesa sa Vigan City… na noon ay dating tahanan ng marami kalesa at mga gusaling luma ngunit may pambihirang kagandahan sa arkitekto.  Kaya nga ito tinawag na Heritage City of Vigan.  Dahil na rin impluwensia ng Espaniol lalo na sa mga sinaunang bahay-Kastila, naging tourist destination ito ng mga turista.  Pero ito ay noon, nang ang kinawiwilihang sasakyan ay kalesa pa para libutin ang buong Vigan.  Ngunit katulad ng panahon, ang lahat ay nagbabago.  At sa paglipas ng panahon, lumipas na rin ang mga kalesa.  Hanggang sa siya na lang ang natitirang nagkakalesa.

Pero hindi niya puwedeng sabihin na kasalanan nang makabagong panahon ang dahilan ng pangyayari.  Kung bakit naglaho na ang mga kalesa at pinalitan ito ng mga kotse at motorsiklong tumatakbo at halos lumilipad na.  Walang may kasalanan, parte ito ng pagdaloy nang panahon at teknolohiya.

Ngunit sa aking salaysay, ginawa ko siyang isang bayani.  At totoo naman, bayani siya dahil siya na lang ang nagbigay-buhay sa sinaunang paraan ng pamumuhay.  Dahil kung wala silang mga kutsero, wala rin ang pag-unlad na nakikita ngayon.  Sila na nagbigay buhay sa kultura ng nakaraan, at nagbigay liwanag sa kasalukuyan.

At dahil na rin sa magandang imahe na nabuhay sa isip ng mga tao, at talagang bayani na si Apong Ilyan.  Hindi na ako nagulat nang imbitahan ako ng Tourism head ng City Tourism Department ng Vigan City.

“Napakinggan ng Vigan City ang tungkol kay Apong Ilyan, at marami sa ating mga kababayan ang naantig.  Marami rin ang naawa sa kaniya dahil na rin sa mahirap niyang pamumuhay.  At dahil na rin sa mithiing mabigyan ng importansia ng siudad ang nakaraan, bibigyan namin siya ng isang gatimpala at parangal bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan sa pagpapanatili ng magandang kultura at nakaraan.”  Sabi ni Mr. Edgar Crisologo, tourism officer.

“Magandang suggestion po ‘yan sir.  Nakahanda po akong tumulong sa inyo sa anumang paraan para matuloy ito.”  Sabi ko.  Sa puso ko’y nag-uumapaw ang ligaya.  Sa wakas, nakita rin ng mga tao ang isang maliit na kutsero.

“Oo, kaya ka nga ipinatawag ni Mayor Singson dahil alam niyang ikaw ang magiging susi para maging matagumpay ang programa.  Napagkaisahan na namin nina mayor sa inisyal na pag-uusap na bibigyan  siya ng dalawang kabayo.  Magkakaroon rin siya ng espesyal na paradahan sa harapan ng Plaza Maestro Miranda,  tatayuan ito ng isang architectural na mosaic na paradahan, tulad ng sa mga sinaunang bahay.  Kukunin rin natin siyang employee ng city government bilang tour guide.  Kapag may espesyal na taong bisita ang siudad, ang kalesa niya ang sasakayan nila.  Sabi kasi ni mayor na magandang ideya rin, na imbes na sa mga magagarang kotse isakay ang mga bisita natin, magandang maranasan nila ang sinaunang sasakyan… ang kalesa.  Magiging one in a million experience nila ito dahil wala nang nagkakalesa ngayon kahit saang probinsiya ng Filipinas…

Marami pang sinabi sa akin si Mr. Crisologo.  At gusto kong maluha sa kaligayahan.  Nang simulang buhayin ang programa para kay Apong Ilyan, ni sa hinagap ay di ko naisip na ganito ang magiging biyaya nito sa kaniya.  Ang gusto ko lang noon ay bigyan nila ng paggalang si Apong Ilyan.  Bigyan ng paggalang hindi lang dahil sa katandaan niya at sa mahirap niyang pamumuhay, kundi dahil sa pagpupursigi niya na buhayin ang nakaraan.

Gusto kong lumipad papunta kina Apong Ilyan para ibalita sa kaniya ang napag-usapan namin ni Mr. Crisologo.  Gusto kong sabihin sa harapan niya na bibigyan siya ng isang programa para parangalan siya.  Isang programa na siya lang at wala nang iba dahil para sa kaniya ito.  Na magkakaroon na rin ng puwang ang isang usa na naligaw sa siudad.

 

ARAW ng pagbibigay-pugay kay Apong Ilyan.  Marami ang naghihintay sa kaniya.  Magaganap ang programa sa City Hall mismo.  Naghihintay sa kaniya si Mayor Eduard Singson, at ilang piling panauhin.  Kasama na rito ang ilang nanggaling sa Department of Tourism.

Ngunit kung sino ang pinakamahalagang tao sa programa ay siyang wala!  Bakit kaya?

Nangangamba ako.  Dagli akong nagtungo sa kaniyang bahay.  Gusto kong malaman kung anong nangyari sa kaniya.  Ang balita ko kasi ay naging grabe ang kaniyang pilay.

Nang dumating ako, tahimik ang paligid.  Parang walang tao.  Tiningnan ko ang palibot lalo na sa likod baka sakaling naglilinis lang.  Pinalakas ko ang pandinig ko.  Ngunit maliban sa mahinang radio sa loob ng bahay ay wala na akong marinig.

“APONG ILYAN!!”  Tinawag ko.

May narinig akong mahinang ingay sa loob ng bahay.  Maya-maya pa ay dumungaw ang kaniyang mukha sa bintana ng kaniyang bahay.  Halata namang bagong paligo.  Sa tingin ko pa nga ay nakapomada ito.

“Ikaw pala, Cherry.”

Umalis sa bintana at kinuha ang isang sando na nakasabit sa loob.  Isinuot.

Maya-maya pa, lumabas na siya.  Nakabarong.  Nakasapatos.

“Hinihintay ka nila sa plasa.”  Sabi ko.  Tiningnan ko ang kaniyang mukha at hinintay ang reaksion.  Lalo na sa kaniyang mata.

“Oo nga, nakakahiya.  Nahihirapan kasi akong maligo’t magpalit ng damit ngayon.  Para kasing gumagrabe ang sakit ng aking paa.  Naku, baka wala na sina Mayor.  Anong sabi nila?  Sinabi ba nilang nagpapa-importante ako?”

“Hindi, matiyaga ho silang naghihintay sa’yo.” .

“Hala, kung gayon, tara na.”

Ngunit ng tatayo na siya’t lalakad, nakita kong napangiwi siya.  Agad ko siyang inalalayan.  Di na niya kailangan humingi ng tulong sa akin, karangalan ko na ngayon na umalalay sa kaniyang paglakad.  Inakbayan ko siya sa kaniyang paglakad.

Agad akong tumawag ng taksi.

Habang nasa loob kami ng taksi, di ko naiwasang nagtanog sa kaniya.

“Kumusta na ang buhay ngayon, Apong?”

Natahimik siya pagkatapos a dahan-dahang yumuko.  Nang tumingala uli, namamasa na ang kaniyang mata.  Pumikit-pikit ang kaniyang mata at tumulo na ang luha.  Naramdaman ko ang ibayong lungkot na nasa kaniyang puso.

“Ganito pala ang buhay, anak.  Masakit kapag ang mahal mo ay unang lumisan kesa sa’yo.”  Tiningnan ako.  “Nasasabik ako kay… kay Ka-kalakian.”  Naggaralgal ang kaniyang boses.  “Kaya pala noong gabing pinakain ko siya, wala siyang gana… nagpapaalam na pala sa… sa’kin.”  Tumigil.  Pero nagsalita uli.  “Nang gabing yaon, habang tinitingnan niya ako, ang lumbay ng mata niya.  Siguro, tinitingnan niya ako sa huling sandali.  Mahina na ang kaniyang katawan, pero tumatayo lang siya para ipakita sa akin na malakas pa siya, at hindi ako mag-alala sa kaniya.  ‘Yun pala… ‘yun pala, aalis na siya.”

Tuloyan nang tumulo ang mga luha niya sa kaniyang mata.  Ngayon ko uli napatunayan kung gaano niya kamahal si Kalakian.  At kung gaano ito kaimportante sa buhay niya.  Sa kaniyang pag-iyak, gusto ko siyang aluin.  Gusto ko sabihin na patibayin niya ang sarili niya, marami pang nagmamahal sa kaniya.  Ngunit hindi ko masabi.  Ang tangi kung nagawa ay yakapin siya ng mahigpit, para iparamdam na hindi lang si Kalakian ang nagmamahal sa kaniya.  Pagkat marami pang nagpapahalaga sa kaniya.

“Papalitan daw nila si Kalakian.”  Nasabi ko.  Nasabi ko na ito sa kaniya, ngunit gusto kung ulitin para lumakas ang damdamin niya.

“Alam mo kasi, madalang lang kung lumalabas ako noon na hindi siya kasama.”

At naalala ko, oo nga pala, kelan ko ba siya nakitang lumabas na hindi kasama ang pinakamamahal niyang kabayo?  Bihira nga!

At parang lumang pelikulang bumalik sa aking isipan ang ilang dekadang nakaraan.  Hindi ko pa siya nakitang lumabas na hindi kasama ti Kalakian.  Noong buhay pa si Apong Andong, at wala pa noon si Kalakian, ‘yon lang ang pagkakataong wala sa tabi niya si Kalakian.  Ngunit nang pumanaw na si lolo, si Kalakian na lang ang kasa-kasama niya.  Kapag nangunguha ng damo sa bukid, pupunta sa merkado publiko, pamamasada sa kalesa, dadalaw sa kaibigan—lahat na pala ng gawain niya ay konektado na sa kabayo.  Hindi naman ako nagugulat, dahil nga sa wala naman siyang pamilia.  Ngunit ngayon ko lang naisip, kung gaano kahalaga si Kalakian nung nabubuhay pa ito.

“Tinanong mo sa akin noon kung bakit hanggang ngayon ay nagkakalesa pa ako.  Gusto mo bang malaman ngayon ang isa sa mga sekreto namin ni Kalakian.

Tiningnan niya ako;  tumango ako.

“Kapag nagkakalesa ako noon, hindi lang dahil sa kailangan kong kumayod para may pantustos sa araw-araw kong pamumuhay, kundi dahil ang talagang nasa puso at isipan ko ay ang aking maliligayang nakaraan.  Ang mga araw na noo’y kabataan pa sa akin.  Ang aking pagkakalesa ay parang kurtina lamang sa totoong dahilan ko.  Sapagkat aking nararamdaman ang kakaibang ligaya sa bawat duyan ng aking kalesa.  Kahit wala nang sumasakay sa’min ni Kalakian, okay lang.  Ang pinakamahalagang bahagi ay ang pagsasama namin ni Kalakian, habang binabalikan namin ang aming masasayang kahapon.  Ang mga araw na kasama pa namin ang lolo mong si Andong, at iba pa naming kababata at kalaruan.

“Kapag naririnig ko kasi ang ingay ng paa ni Kalakian habang nagkakalesa kami, parang tiktak ng orasan ‘yon na nagbabalik nang nakaraan.  Ang daanan noon ay hindi pa sementado, kundi lubak-lubak kapag panahon ng tag-ulan at mabato naman kapag tag-init.  Ang mga kamatsili sa tabi ng daan ay abot-kamay lang naming kinukuha, pati na ang iba pang prutas gaya ng papaya, duhat at tsiko.  Marami pang mga bahay-kubo noon.  Ang mga ungak ng baka at kalabaw noon ay nakaririndi sa tainga, ngunit ngayon ay parang sa panaginip na lang maririnig.

“Ang paglalanguyan namin nina Karing, Jose, Isis at si Andong.  Naghahabulan kami sa paglangoy, paghuli ng dalag at hito o kaya ay sugpo.  Pagkatapos, nangunguha kami ng kuhol para may dinengdeng kaming ulam sa tanghalian.

“Ang mga ito’y sumasagi lamang sa aking isipan kapag nakasakay ako sa kalesa at ako’y parang idinuduyan.  Ang sarap balik-tanawin ang nakaraan  habang sinasamahan ito ng tanaktak ng mga paa ni Kalakian.  Hindi ko namamalayang sumisipol na pala ako.  Hindi ko maiwasang gumawa ng isang napakagandang sonata.”

Huminto siya sa pagkukuwento.  Pinunas ang mga luhang nag-uunahan sa kaniyang pisngi.  Tumingin uli sa akin.

“Ngunit wala na si Kalakian—wala na ang kasa-kasama ko habang namamasyal sa hardin ng nakaraan.”

Napagtanto ko nang lahat.  Kung gaano ka-importante ang kabayo sa buhay niya.

Tiningnan ko ang kaniyang mukha, hinahanap ko kung may kaligayahan pa ba sa kaniya.  Ngunit ang tangi kong nakita ay ang mga kulubot sa kaniyang noo at pisngi.  Nagpapatotoo ang bawat linya kung ilang masasayang nakaraan ang kaniyang dinaanan.  Ito na rin ang nagpapahayag nang kaniyang pag-iisa ngayon sa ibabaw ng lupa.  Ang kaniyang mga mata’y wala ng buhay.  Ang kaniyang balat ay kinain na rin ng panahon.

“Meron kang kabuluhan sa makabagong panahon, Apong.  Ikaw ang anino ng progreso ngayon.  Kung wala ka noon, wala rin ngayon ang mga lumilipad na sasakyang at maginhawang kapanahunan.”  Huminto ako, hinawakan ko ang magaspang niyang kamay.  “Higit sa lahat, para sa akin, hindi ka lang bayani sa makabagong panahon.  Ikaw ang bumubuhay ng nakaraang panahon, at salamin ng kaginhawahan ngayon.”

“Nagpapasalamat ako at nakita rin nila ang tulad kong maliit lamang.”  Yumuko na naman.  “Masaya ako kahit paano.  Ngunit hindi ko lang kasi malimutan si Kalakian.  Laging bumabalik sa aking alintataw ang mukha niya.  Lagi akong nananabik sa kaniya.”

NAPAKARANGAL tingnan ni Apong Ilyan ngayon.  Parang napakalaking tao habang nakatayo sa harapan ng kakaunting panauhin… kakaunti ngunit napakahalagang bilang ng mga tao.  Nasa entablado siya, nakatayo, nagbibigkas ng mga mababaw na salita ngunit napakahalagang pakinggan.  Nakasuot siya nang hindi plantsadong barong tagalog, slacks na itim.  Nakasapatos ng luma na at hindi makintab.  Mas makintab pa nga ang kaniyang buhok.  Ngunit wala nang mas kagalang-galang na tao na nandito ngayon.  Siya at siya lamang.

Mayroon siyang nginig sa kaniyang pagsasalita habang nagtatalumpati, na kapag nagkakamali sa pagbigkas ay ngumingiti na lamang.  Ngunit wala nang mas mahalaga pa sa mga mensahe binitawan niya. At walang labis, walang kulang—sa kaniya ang araw na ito.

“…gusto kong ialay ang parangal na ito sa mga kabataan na nakikinig at hindi nakikinig sa aking pagtatalumpati.  Makita sana nilang muli ang kahalagahan ng nakaraan.  Maraming salamat at muli ninyo akong nakita sa malawak at napaka-progresong estado ng Ilocandia.  Kahit isa lang akong usa sa siudad, binigyan ninyo ako ng parangal na sa hinagap ko ay di ko pinangarap.  Ngunit napakasaya ko ngayon.  Hindi ko ito malilimutan sa nalalabi kong oras sa balat ng lupa.  Wala na si Kalakian;  wala na rin ang dating tanawin ng Vigan… at hindi ko puwedeng ibalik pa yaon.  Ngunit maaari ko pa namang balikan sa aking alaala.  Ngunit hindi bale, nandiyan naman kayo na kabataan na bubuhay ng nakaraan.  Kaya, yakapin ninyo sana ang parangal na ito mula sa akin.  Wala akong ibang pag-aalayan nito, kayo lang at sa bagong mukha ng mundo natin.  Maraming Salamat!”

photo is mine

copyright is to saluyot

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s